TayoTayo

Mga Kuwento

Ang Pundasyon ng Malasakit

Ang Kuwento ni Jeffrey Diokno.
Sulat ni Reuben Gonzales.

“Lawakan ‘yung pag-unawa.”

Para kay Jeffrey Diokno, ng GK Manulife, ang tunay na komunidad ay nabubuo sa pagtutulungan ng mga tao at sa pag-unawa sa isa’t isa. Isa sa mga karanasang tumatak sa kanya ay noong ginagawa pa lamang ang komunidad at mga bahay ng Gawad Kalinga (GK). Naalala niya ang panahong nakikita niya kung paano unti-unting nabubuo ang lugar na magiging tahanan ng maraming pamilya. Ayon kay Jeffrey, espesyal ang karanasang iyon dahil doon niya unang naranasan kung paano ginagawa ang mga proyekto sa isang komunidad tulad ng GK, “First time kong gumawa dito. As in, paano siya gawin talaga.” Para sa kanya, malaking bagay ang karanasang iyon dahil nakita niya kung gaano kahalaga ang ambag ng bawat tao. Kapag may nagtutulungan, mas madaling matapos ang gawain.

Habang tumatagal, napansin ni Jeffrey na isa sa pinakamahalagang katangian ng komunidad ay ang pakikipagkapuwa ng mga miyembro. Kahit hindi malapit sa isa’t isa ang lahat ng tao, handa silang tumulong kapag may nangangailangan, “Nagtutulungan kahit di mo kakilala.” Para kay Jeffrey, ito ang isa sa mga bagay na nagpapaganda ng buhay sa komunidad. Kapag may malasakit ang mga tao sa isa’t isa, mas nagiging magaan ang mga gawain at mas nagiging maayos ang samahan.

Gayunpaman, alam din niya na hindi maiiwasan ang hindi pagkakaintindihan. May mga pagkakataon na nagkakaroon ng “misunderstanding” dahil hindi malinaw ang komunikasyon. Minsan, may gustong sabihin ang isang tao ngunit iba ang nagiging intindi ng nakikinig. Kapag nangyari ito, nagkakaroon ng kalituhan o tension. Para kay Jeffrey, mahalagang pag-usapan ang mga ganitong sitwasyon. Para sa kanya, kapag nag-uusap ang mga tao at nagpapaliwanag ng kanilang panig, mas madaling magkaintindihan.

Naniniwala siya na mahalagang matutong makinig. Hindi lang dapat iniisip ng isang tao ang sarili niyang pananaw, kundi pati ang nararamdaman at iniisip ng iba. Sa huli, may simpleng mensahe si Jeffrey para sa mga kapwa niya residente. Para sa kanya, ang susi sa maayos na samahan ay ang pagiging bukas sa pag-unawa sa iba. Ayon sa kanya, “Lawakan yung pag-unawa,” dahil dito nagsisimula ang tunay na diwa ng pagmamalasakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

May tanong ka ba o gusto ibahagi?

Makipag-ugnayan sa amin at magkuwentuhan tayo. Tulad ng kapitbahay, lagi kaming handang tumulong at makinig.

Scroll to Top