TayoTayo

Mga Kuwento

Sama-sama Tayo Bumangon

Ang Kuwento ni Daisy Orgada.
Sulat ni Reuben Gonzales.

“Mahirap pero masaya...dahil nakikita namin yung improvement ng komunidad namin.”

Hindi lahat ng komunidad ay nagsisimula na nagkakaunawaan ang isa’t isa. Madalas, nagsisimula ito sa hirap, sa pagod, sa ingay at sa mga pagkakataong hindi agad nagkakasundo ang mga miyembro. Para kay Daisy Orgada, mula sa GK Caloocan, sa mga ganitong sitwasyon niyang nakita na ang tunay na halaga ng komunidad ay, hindi sa perpektong samahan, kundi sa sama-samang pagbangon mula sa hirap.

Naalala niya ang mga panahong sabay-sabay sila nagtatrabaho at naghuhukay kung saan unti-unting binubuo nila ang mga bahay sa kanilang kapaligiran. “Mahirap pero masaya” sabi nga ni Daisy, dahil kitang-kita nila ang pagbabago sa kanilang paligid. Dahil sa gitna ng pagod, doon din lumitaw ang pakikipagkapwa. Hindi ito ginagawa sa malaki o magarbong paraan, kundi ito ay simpleng pagtulong ng mga taong kasama mo araw-araw. Kapag ang bawat isa ay kumikilos hindi lang para sa sarili, nagiging mas magaan ang trabaho, at mas nagiging buo ang komunidad. Pero hindi rin maiiwasan ang tensyon. May mga pagkakataon na nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan pero para kay Daisy, natural ito. Ang mahalaga ay kung paano ito inaayos. Sa kanilang komunidad, ang sagot ay pag-uusap. Kapag may problema, tinatawag ang lahat upang mag-usap bilang isang grupo. Hindi para magturo ng mali, kundi para magkaintindihan. Sa ganitong paraan, unti-unting nawawala ang sama ng loob at nagkakaroon ng mas malinaw na pag-unawa sa isa’t isa.

Mahalaga rin para kay Daisy na matutong umunawa sa pinanggagalingan ng bawat tao. May mga pagkakataon na ang isang tao ay napapagod at hindi agad nakokontrol ang emosyon. Ngunit sa halip na palakihin ang sitwasyon, mas makakatulong ang pakikinig at pagbibigay ng espasyo para magpaliwanag. Sa ganitong paraan, mas nagiging malalim ang pakikipagkapuwa hindi lang sa kilos, kundi sa pag-unawa.

Sa huli, ang mensahe ni Daisy ay hindi tungkol sa pagiging perpekto ng isang komunidad. Ito ay tungkol sa pagpili. Ang pagpili na mag-usap, umunawa, at magkaayos. Dahil para sa kanya, ang tunay na lakas ng komunidad ay hindi nasusukat sa kawalan ng problema, kundi sa kakayahan nitong ayusin ang mga ito nang sama-sama, “Yung akin lang, imemensahe ko lang, ito na maganda na tayo. Dapat, magkaayos na tayong lahat. At hindi na tayo yung…intriga-intriga…wala ng hatid-hatid ng kwento, para magka samasama tayo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

May tanong ka ba o gusto ibahagi?

Makipag-ugnayan sa amin at magkuwentuhan tayo. Tulad ng kapitbahay, lagi kaming handang tumulong at makinig.

Scroll to Top